Hanggang dito na lang ba ako? Araw-araw, paggising sa umaga o di kaya’y pagbangon sa gabi, maghahanap ng balita. Balitang kailangan ng taong malaman, balitang kailangan ko rin para sumuweldo para may pangkape at pang-pizza kahit dalawang beses isang lingo.
Masaya naman ako sa ginagawa ko. Nakasakay sa crew cab, bababa, dala-dala ang micropono para mag-interview, mag-take down notes, o di kaya’y i-type na lang sa cellphone dahil hindi maatupag bumili ng tikler.
Pagkatapos, babalik sa istasyon, mag-script, magboses, magbantay sa editing saglit, kung sasalang sa live report, ayun, may overtime kahit papaano. Kakain sa gabi, kung nagkayayaan, gigimik kung saan, tsaka balik sa lungga.
Magpapahinga sa saglit, basa-basa ng konti, maliligo, magcocomputer habang nakikinig sa nakaka-inlove na tunog ng Summertime at Feels so Good, at maya-maya’y pipikit na, tsaka mananaginip ng kung anu-ano.
Ganito ulit kinabukasan. May bahagyang pagkakaiba lang. Pero parang ganun din. Medyo okay na nakakasawa. Basta kulang. Kulang talaga. Hindi ko matanggap na ginawa akong kawangis ng Diyos para lang magtrabaho at kumain at matulog.
Sabagay, minsan, nakakataba rin ng puso ang nakikilala ka ng tao dahil sa paglitaw mo sa tv halos araw-araw. Pero hindi rin, minsan, gusto mong magtakip ng mukha dahil pagsakay mo sa jeep o bus, halos lahat ng tao, nakatingin sa ‘yo. Nahihiya ka dahil mukha ka ng ngarag, magko-commute ka gawa ng hindi makabili ng kotse ang suweldo mo. Hindi nila alam na gusto mong magpahinga, at walang panahon para makipagtsamihan kung nasa byahe.
Hindi naman ako nagsisisi sa kinahinatnan ng buhay ko sa edad na 23. Kung tutuusin, marami na rin akong natutunan, nalaman, karanasang maikukuwento sa mga gustong makarinig ng kwento. Marami na rin akong nakilalang tao, nakaing kakaibang pagkain, nalagok na alak. Masarap ang gilbeys beer para sa akin sa totoo lang.
Pero wag ka, dahil sa alak na yan, hindi gilbeys ah, naku, may kilala akong nawala sa sariling kontrol. Hayun nagwala sa isang bar. Biruin mo, ang ingay-ingay na niya, ung iniinom niya, ginagawa niyang fountain. Sa bawat paglagapak niya kasi ng kanyang basong may lamang alak sa mesa, sa amin tumitilapon. Ayun, para kaming binibendisyunan ng alak. Mabait naman ung kakilala kung yon. Sobrang bait talaga. Wala kang masabi. Un lang talaga.
Sobrang badtrip kasi siya sa aanga-anga umanong babaeng dahilan para magipit siya sa gastusin. Plus iba pang pasanin sa buhay.hehe. At naiintindihan ko naman. Mahirap talagang mabadtrip.
Minsan din, nakakatawa ang mga katangahan ng tao, pasensya sa word. Minsan, natatawa rin ako sa sarili ko dahil may katangahan din ako. Pero mas malala ung iba na kakilala ko, grabe, parang walang sariling utak. Parang robot na utusan, walang diskarte, walang sariling palo kumbaga. Hindi pa siya cute. Pero hindi naman siya kawawa. May pag-asa naman siguro siyang magbago.
Basta ganun, halos ganun ‘yung nangyayari sa paligid ko. Pero siyempre, ang dami din namang hindi malilimutang kaganapan kumbaga. Da best siyempre ung sama-sama kayong nagpipigar-pigar sa Galvan. Hanep, parang may fiesta lagi ang tropa sa tabi ng kalsada. Lately lang, fishball sa tabi ng sementeryo habang naghihintay na sumalang sa ilaw at kamera. Masarap kumain.
Enjoy din ung kuwentuhan lang sa kapihan. Naku, eto, naalala ko, ung bump car. Ang sarap pa lang magbump-car lalo na kung mga kasama mo medyo may edad na rin, I mean, ung mga may anak at pamilya na. Hanep ang trip, ako sobrang sumakit tiyan ko sa kakatuwa nun. Uulitin ko un sa lalong madaling panahon. Ang sarap kayang maging bata.
Pero kalungkot din maging bata minsan. Na-realize ko yan nung may mga namatay sa dengue, nalunod, ung mga batang nabubuhay sa limos at tira-tirang pagkain. Yung mga batang binabato ng paso kaya’y pumutok at namaga ang noo. Hindi lang awa siguro ang mararamdaman mo sa bawat biktima ng abortion. Ang daming kwento ng pagkabata at minurang bata sa kanto. Sana matupad din nila ang kanilang pangarap.
Uy, gusto ko pa lang makapunta sa Batanes, dulo ng Luzon. Wala lang, gusto ko lang makita ang itsura ng Batanes na laging sikat dahil sa mga bagyong dumadaan sa Pilipinas. Pangarap ko din pa lang makapunta sa hindi ko pa nakikitang lola ko sa mother side. Biruin mo, sa Quezon province lang siya, di ko man lang mapuntahan. Pero pangako ko yan sa sarili ko, pupuntahan ko siya… Wish ko lang, hindi pa huli ang lahat.
Lalo pa’t wala na atang lugar na hindi nalulubog sa baha. Kung hindi naman baha, pagguho ng lupa. Kung hindi naman kalamidad, giyera. Bahagi ng buhay habang nasa mundong ibabaw. Makasalanan kasi. Pero may heaven naman, tulad ng pagkakaroon din ng hell. Dapat alam mo lang kung saan ang byahe mo.
Gusto ko talagang bumyahe. Kung marami lang akong pera, naku, kung saan-saan na siguro ako napunta. May goal pala ako tungkol sa pagbabyahe. At least 50 provinces sa Pilipinas mapuntahan ko. So far, 15 pa lang na probinsya ang masasabi kong napuntahan ko. Ung sa NCR, binilang ko lang as 1. Asa ka pa!?
Self-centered ba ako? Hindi naman siguro. Hindi naman siguro masamang lumigaya at kahit papaano makaramdam ng sense of fulfillment. Nasubukan ko rin namang maglingkod ng libre at bukal sa loob sa aking kapwa. Hindi rin madali un ah. Pero da best. Masasabi kong ang sumunod sa kalooban ng Diyos at maglingkod ng buong puso at lakas ang isa, kung hindi man ang pinakamaligayang karanasan sa yugto ng aking buhay. Nami-miss ko yun ng sobra. Ung tipong hindi mo agad nakukuha ung gusto mo, un bang kailangan mo talagang magtiyaga, maghintay, at huminga ng malalim para mapasakamay mo ang ung tinatamasa.
Hindi siya madali. Lalo kung mag-isa ka lang. Kaya nga, madalas sa kadiliman ng gabi, nag-i-imagine ka ng kasama, nang kayakap, at siyempre, alam mo na un. Para hindi ka mabangungot, sinasabi mo na lang sa sarili mo, darating yan. At naniniwala ka naman talaga.
Basta, may bukas pa. Kaya mali ung unang entrada ko sa sulating ito na “hanggang dito na lamang ba ako?” Kasi hindi eh. Alam mo naman ang sagot. Alam ko din… †
No comments:
Post a Comment