Hindi mapakali sa paglambiti’t paghulma ng sopistikadong sapot ang isang gagamba tuwing nakahimlay ang araw. Mapaglaro itong paikut-ikot sa binubuong dugtung-dugtong na tulay na kanyang maituturing na kaligayahan. Kumpiyansa sa katiwasayan ng gabi, kanyang sinsamantala ang kakaibang lakas at kasiglahan, nagpapakita sa hindi nanlilisik na mata ng kalikasan, upang isakatuparan ang anumang gawaing hindi nagagawa, madalas, sa kaliwanagan.
Taglay ang mainam na reserba at mapotensyal na galamay, lalo’t higit sa estado ng katiyakan, kusang naglalabas ito ng makabuluhang sapot na hinuhubog upang maging isang matatag na pundasyon, parang makatang nagbibigay-buhay sa bawat katagang nagmumula sa kanyang madamdaming imahinasyon at ikinukumaps ng malayang kamay tangan ang panulat.
Madalas, nag-iisa. Tila binubukod ang sarili sa ibang nilalang upang protektahan ang kanyang himlayan, ang kanyang buhay. Pakiramdam niya’y malupit ang kalikasan at hindi mapagkakatiwalaan. Oo’t maaari niyang akuin ang teritoryo sa ganang sarili. Subalit sa kanya lamang sarili, sa loob-loob niya lamang. Sapagkat hindi kanya ang mundo. Nakikihati lamang siya at, sa katunayan, kapiranggot ang kanya at malupit ang kinasasadlakan.
Isa ‘yon sa pinagkaiba nitong si makata. Para sa kanya, may potensyal siyang baguhin ang takbo ng panahon, ‘pagkat mas malawak ang limitasyon nito. Hindi siya nakikihati, bahagi siya ng mismong mundo. Sa isang pagbiyahe patungo sa ibang dimensyon, kanya na ang mundo – maaari niyang gawing paraiso o di kaya’y impiyerno. Maaari rin niyang kitlin ang sariling buhay o di kaya’y ialay ito sa iniibig. Simple. Hindi siya tao.
Madali siyang mabusog at magsawa. Kung malakas ito at kayang-kaya ang kalaban, tiyak uumbok ang kanyang tiyan. Kung talagang sobrang nangangasim ang kanyang sikmura, ni katiting ay wala siyang ititira. Kung may ititira man, itatabi niya ito. Pero kadalasan, hindi niya ito inuubos, nilalanggam… kasama niya. Kaiba ng bahagya sa natatawang makata. Madali rin siyang magsawa subalit mahirap mabusog. At hindi siya nilalanggam. Siya ang nanglalanggam pero iniluluwa kung hindi nagustuhan.
Hindi sanay si Ewan sa regular na takbo ng buhay. Kung may pagpipilian, hindi niya babaybayin ang kalyehong araw-araw niyang tinatahak. Kung dalawang tsokolate at isang pulburon ang nasa kamay niya, hindi niya uubusin ang dalawang tsokolate. Isang tsokolate at isang pulburon ang kakainin niya, at… ipapalit ang isang tsokolate ng ibang putahe. Sobrang hirap ng buhay ngayon! Alin naman dito, birhen o hindi? (ito talagang si makata, biglang umiba ng eksena). Dapat matikman niya muna (O, humirit pa). Sa kabilang banda, nagpapalit din siya ng damit araw-araw, gayong hindi araw-araw ay bago ang mga ito. Marunong siyang magtiis at magsakripisyo. Malambot ang kanyang puso sa mga nagmamahal sa kanya.
Samantala, masyado silang malikot at mapaglaro. Hindi magkandaugaga itong si gagamba sa paglalaro ng kanyang sapot habang si makata nama’y walang puknat sa kakasubok ng kung anu-anong bagay. Madalas pa ngang nilalaro ni gagamba ang kanyang tanghalian o hapunan, at kung siya’y nasa sanga o dahon, wala rin siyang pagod sa pagbaba’t pagtaas gamit ang matibay na sapot. Talagang malikot at mapaglaro ang isipan nitong si makata. Ibang klaseng maglarawan!
Sa kabila ng malikot at mapaglarong isipan, hindi ito sapat upang hindi mabahiran ng kalungkutan ang mukha ni Ewan. Hindi sapat na isipin na lagi siyang nagtatagumpay, na lumulundag siya sa galak, na matamis ang asukal, na may kiliti sa bawat iyak. Humuhupa ang imahinasyon. Lahat ng ito’y pansamantala lamang. Makapangyarihan ang imahinasyon subalit hindi nito magagawang palitan o dayain ang damdamin ng isang makata o manunulat. Hindi nito magagawang pwersahin ang isang manunulat na gawing masaya ang tema ng kanyang isinusulat gayong kalungkutan ang nasa damdamin nito. At hindi rin maaaring gawing malungkot ang tema ng kanyang susulatin kung ubod-galak na karanasan ang kanyang nais ibahagi. Kung maaari, isa siyang huwad na manunulat.
Sa kabilang banda, iisipin niyang mas mabuti ang katayuan ng isang gagamba. Wala itong mabilog na mata na kakikitaan ng hinagpis at dalamhati dulot ng mga taong nasa paligid nito. Walang luhang dumadaloy mula sa kanyang mata pababa sa pisngi hanggang sumayad sa lupa. Mabuti sana kung iisa ang kulay ng mundo. Gayunpaman, wala naman siyang tinig upang marinig ang lutong ng kanyang halakhak. Marami pa ring bagay na hindi magagawa ni gagamba sapagkat hindi siya tao, tulad ng sariling pagpapahayag.
Manatiling buhay, marahil, ang pangunahing layunin ng pananatili ni gagamba, bukod sa papel nito sa balanseng ekolohikal. Walang puwang sa kanya ang malawak na salitang pag-ibig, isang anyo ng ekspresyon. Wala siyang pusong nagdaramdam at nagagalak, ni di nga siya marunong manligaw. Hindi nga niya magawang mambola o sumambit ng katagang matalinghaga. Samakatuwid, nasa kinita ni Ewan na siya’y magiging makata ‘pagkat marunong siyang magmahal. Sabi nga ni Joi Barrios sa kanyang Minatamis at Iba pang Tula ng Pag-ibig, “bawat mangingibig ay makata.” Gayunpaman,, hindi lahat ng makata ay mangingibig at hindi namumusyaw ang may dugong makata kung siya’y namumuhi.
May dalawang bagay na maari nilang sang-ayunan. Una, sakop sila ng konsepto ng kamatayan. Si gagamba at si Ewan na kapwa may pagkakatulad at pagkakaiba sang-ayon sa ginawang pagsasalarawan ay parehong nakatakdang pumanaw. Ang mga nasabing deskripsyon ang siyang inaasahang katangian ni Ewan bilang isang nangangarap na manunulat o makata. Pangalawa, isang simpleng lohika na hindi makapagsulat si gagamba sapagkay siya’y insekto, at si Ewan ay tao. †
(This was written sometime in 2003. Pardon my forgetfulness, but I really can't remember the exact date when I wrote this piece.)
No comments:
Post a Comment